03

Paalam na, Kaibigan

i.

nagpakilala bilang kaibigan na walang mukha

agad naman akong nagtiwala

hindi ko man lang alam kung saan ka nagmula

tulad ng hangin ay dumating na lamang bigla

ipinaramdam ang ilang taong pagpapakasakit

puso ko ay pinuno ng galit

ii.

tila isang basang sisiw na pilit mong pinalakbay sa mundong walang patid ang buhos ng ulan,

pilit kumakatok sa bawat saradong pinto makahanap lamang ng sisulungan,

ako’y patuloy na naglakbay sa kawalan,

isang pinto ang sinubukan kong balikan,

isang pinto na minsan ko nang nilisan,

pinto na bukas kahit ako ay maging sino man

iii.

sa bilang ng mga taong itinuring kitang isang kaibigan,

bawat sandali ay aking pinagnilayan,

ang hangad mo pala para sa akin ay hindi kasiyahan,

dahil ang bawat pagyakap mo ay isang habang patungo kay kamatayan.

iv.

isang mahigpit na yakap ang sa aking nasilungan

yakap ng pagtanggap sa bawat pulgada ng aking pagkatao ang naramdaman,

at ngayong nasilayan kong muli ang kaliwanagan,

kaibigan, salamat sa madidilim na oras ng aking buhay

nalaman ko na kahit ang itim ay isang mahalang kulay.

vi.

nahanap ko na ang daan ko pauwi,

paalam kaibigan, ngunit wala nang “muli”

Advertisements

01

Ano nga ba ang sukatan ng salitang “katapangan”?

Sa dami ba ng taong natapakan?

Nakasuntukan?

Kinalaban?

Sa dami ng latay na nakaguhit sa katawan?

O di kaya naman ay kung gaano kaangas tingnan?

ito ang mga naging katanungan

dahil pawang iisa lamang ang basehan

ang nakita at na saksihan noong ako musmos pa lamang

sa pagpapatumba ng iba nasusukat ang tapang

nako lagot! paano naman akong simpleng tao lang?

pinagtakhan,

pinagnilayan,

di ako pwede sumabak sa ganong klase ng laban.

kapag hindi ka lumaban, hindi ka matapang.

kapag nadapa ka, hindi ka matapang.

kapag lumuha ka, hindi ka matapang.

kapag hindi ka gumamit sandata, hindi ka matapang.

kapag humingi ka ng tulong sa iba, hindi ka matapang.

hindi ba ang katapangan ay

paglaban mga sa mga pinaniniwalaan nating tama?

pagbangon sa tuwing tayo ay paulit ulit na nadarapa?

pag ngiti pagkatapos pawiin ang luha?

hindi paggamit ng sandata sapagkat alam natin ang mga mali mula sa tama?

hindi ba’t ang katapangan ay isang pakikipagsapalaran?

pagtaya at pagsugal kahit hindi natin alam ang kalalabasan.

ang depinisyon ng ating “katapangan” ay magkaiba man,

nais kong sabihin sayo

na ang katapangan ay parang isang anino

na kapag nagdidilim, nawawala ang kaibigan nating walang anyo

pero ako at ikaw ay mayroon nito

ang kailangan mo lang gawin ay tumingin sa likod mo.